Warning: count(): Parameter must be an array or an object that implements Countable in /homepages/44/d93618075/htdocs/www.sabangDisciples.org/wp-includes/post-template.php on line 284
Aug
8

Busina ni Kamote

Home > Health > Busina ni Kamote

Written by Czarina S. Martinez, NCS-RUMD

 

Sweet Potatoes

 

Iniiwasan kong kumain ng nilagang kamote sa agahan kung may pasok. Ayaw kong bumusina lalo na kung ang tunog ay prot-prot. Sino ba ang may gustong malagay sa nakahihiyang sitwasyon. Pero, bakit nga ba tayo naglalabas ng hangin matapos kumain ng nilagang kamote?

Ang kamote ay may uri ng carbohydrate na hindi matutunaw sa bibig, hindi rin sa tiyan o sa maliit na bituka. Ito ay natutunaw sa malaking bituka. Ang tawag sa carbohydrate na ito ay soluble fiber (SF) at resistant starch (RS). Ang mga kaibigan nating micro-organism na nasa malaking bituka ang siyang tumutunaw sa soluble fiber at resistant starch.

Habang tinutunaw ni kaibigang micro-organism ang nasabing carbohydrate na lilikha nila ang hanging methane at hydrogen. Ito ang hangin na lumalabas sa ating puwerta, minsan ay tunog prot-prot. Ang mga micro-organism ay lumilikha din ng short chain fatty acid (SCFA), kagaya ng acetate, butyrate at propionate, ayon kay Dr. Trinidad P. Trinidad ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI).

Ang SF at RS ay tumutulong sa maayos na pagdaloy ng pagkain sa malaking bituka. Pinabibilis nito ang paglabas ng dumi sa ating bituka. Iniiwasan din ng SF at RS na maranasan nating ang pagtitibi o constipation.

Ang madilaw na kamote ay mayaman pa sa bitamina A. Ayon sa FNRI, ang dilaw na nilagang kamote, wala ng balat, tumitimbang ng 80 gramo, ay nagtataglay 37.6 microgram (ug) retinol equivalent (RE). Ito ay tumutugon sa 10% na pangangailangan ng 4-6 na taong bata para sa bitamina A sa isang araw.

Paalala: Mainam kainin ang dilaw na kamote kasabay ng kaunting mantika, mantikilya o margarina.

Ang nilagang puting kamote, walang balat, tumitimbang ng 80 gramo ay nagtataglay 66.4 milligrams (mg) na calcium. Ito ay tumutugon sa 11% na pangangailangan ng 4-6 na taong bata sa isang araw. Ang calcium ay kailangan sa pagbuo at pagpapatibay ng ating buto.

May taglay ring bitamina A ang puting kamote ngunit ito’y kakaunti lamang kumpara sa dilaw na kamote. Sa kabilang band, ang puting kamote ay nagtataglay ng mas maraming kalsyum kaysa sa dilaw na kamote.

Bukod sa nabanggit na bitamina at mineral, ang kamote ay nagbibigay din sa atin ng lakas ng katawan. Mayroon pa itong soluble fiber at resistant starch na may dagdag benepisyo sa ating katawan.

Tandaan: Ang busina ni kamote ay hudyat ng maayos na pagdaloy ng pagkain sa bituka.